Alam naman natin na malakas talaga ang kompetisyon sa pagitan ng ABS-CBN Channel 2 at GMA-7. Harapan ang clash ng tv shows at programa na ang siyang pakay ay pasayahin ang mga manonood at ibahagi sa iba't ibang panig ng bansa at ng mundo ang pagkaPinoy, ngunit hindi natin maipagkakailang tanging dahilan nang pagkakabuo ng mga magagandang programa ay para kumita nang malaki ang mga ito mula sa mga advertisers na nangangarap na maisapubliko ang mga produkto nilang halos pare-pareho lang naman ang laman at nagkakaiba lamang sa pangalan o brand.
Iba't ibang uri ng kompetisyon ang makikita sa telebisyon. Una sa mga ito ay ang banggaan ng mga programang nakatuon sa pagpapakita ng mga kakayahan na nagagawa ng Pinoy. Nariyan ang mga talent searches tulad ng Star Circle Quest at StarStruck, Star in a Million at Search for a Star, Pilipinas Got Talent at marami pang iba. Sa kasalukuyan ay nariyan ang dalawang programang nag-aagawan ng mga grupong tutupad sa mga pangarap ng mga kumpanyang ito, ang mga grupong siyang makapagbibigay-aliw sa mga manonood, ang mga grupong tatatak at mananatili sa puso ng mga tao, ang mga grupong magpapakita ng tanyag na katangian, ang mga grupong huhulma sa mga programang Showtime at Diz Iz It!. Dahil sa mga grupong ito, hindi na kailanganang magwaldas ng malaki para lang sa mga talent fee na hindi naman talaga katumbas ng hirap na dinaranas ng mga artista natin ngayon, o dili kaya'y katumbas naman ng kababawan ng ibang artistang natanggap lang dahil sa face value at yun lang.
Sa kabila ng galing na ipinamamalas ng mga grupong ito, ang tunay na nakikinabang ay ang mga manonood. Aliw ang nagiging basehan ng pagkapanalo sa labanan. Kung ikaw ang tatanungin, alin sa Diz Iz It! at Showtime ang karapat-dapat na tanghaling champion sa kompetisyon para sa pinakanakakaaliw na programa sa bansa.
Ipahayag na ang iyong kuru-kuro o sentimento. Banggaan na!